Sa malamyos na tinig ay umusal siya ng panalangin
Ng bagbag na pusong umaaruga sa kanila
Sinusubuan silang may pag-ibig ng pagkaing sukat
Walang butil na nasayang mula sa salitang inilahad.
Tumayo siyang may kababaan ngunit itinindig siyang makapangyarihan
Mahinahon siyang nagsalita subali't sila'y nangatilihan.
Nakiisa siya sa damdamin, siya'y nagpayo at bumasa
Binigkas ng buong pananalig mga dalisay na salita
At narinig ng buong kapulungan na nagdulot ng pag-asa.
Silang mga nabibigatan,silang nagdaraan sa kahirapan,
At sila na malayo sa tahanan at di tiyak ang kapalaran
Ay lumuha sa kagalakan dahil sa narinig na pangako
ng Diyos na makapanyarihan:
"Maninirahan akong kasama ninyo at hindi ko kayo pababayaan.
Ako'y inyong kasama saanman kayo magpunta".
Sa ganito'y naglagak sila ng buong tiwala
At naibsan ang bigat bagaman ang siphayo'y di humupa
Ngayo'y higit silang matatag at handang sumagupa.
"Salubungin ninyo ang pagsubok" wika ng tagapagturong lumilingap
Lumapat ang bawat salita at nanuot sa damdamin ng bawat isa.
Binigkas niya ang kanilang saloobin at di na napigilang lumuha
At nagmulat silang matatag sa pag-asa.
(his paragon)
07-12-11 12:29
