(I)-ISANG PASASALAMAT
Libolibong dahilan itong nalalaman
Upang kadakilaan Mo'y aking ipagsigawan
Paanong tatahimik nalang kung pilit umaalpas
Ang damdaming uhaw na uhaw sa pag-ibig Mong wagas.
Sa Iyo ang kapurihan!
Sa Iyo ang kaluwalhatian!
Ang pagsambang walang humpay
Marapat lamang sa Iyong pangalan.
Bagaman walang maipagmamalaking anuman
Nilikhang mailap sa magulong kasiyahan
Ang pagsama Mo ay sapat nang katunayan
Ng di matutumbasang kaligayahan at kayamanan.
Puso'y di magawang magsawalang kibo
Sikilin ma'y nag-aalimpuyo
Di ipagpapaliban ang nauukol sa Iyo
Ganyan Mo hinubog ang aming puso.
Dalwang libo't labing apat ang dahilan
Ng kaligayahang di na mapigilan
Isandaang bunga ng kadakilaan
Kaningningang tanging Ikaw ang pinagmulan.
08-25-11 @ Bago Bantay
-seal 8-27-11 11:51
........................................................................................................
(II)-ISANG PASASALAMAT
Sa paghakbang kong makalawa
Muling nagsiklab ang pagnanasa
Upang pasalamatang walang hangga
Siya na di nagkait ng awa.
Sa patuloy na pagtindig
Ipinauunawa Niya ang pag-ibig
Sa kanilang bawat titig
Paglingap Niya ang nais marinig.
Patuloy Niyang ipinauunawa
Angking galing ay walang halaga
Upang makiisa sa damdamin nila
Ibihis ang bagay na pinakadakila.
Hindi batayan ang anumang dunong
Hanaping lagi ang Kaniyang habag
Sabihin mo mang puspos ka na
Pag iniwan ka'y anong magagawa?
Sa patuloy kong paghakbang
Habang nadaragdagan ang tapang
Nawa'y hawakan Niyang aking kamay
Pigilan Niyang aking dila
Huwag maglayag ang isipan
Hubugin ang puso sa kababaan
At muling dalhin sa unang kalagayan.
09-01-11 @ Polo
-seal 09-1-11 11:13
.......................................................................................................
(III)-ISANG PASASALAMAT
Sa paghakbang kong ikatlo ibinuhos Mong lubha
Di nagmamaliw na habag sa Iyong lingkod na aba
Sa higpit ng Iyong hawak paanong madudupilas
Di man sanay sa pagtindig tiwala naman sa Iyong bisig.
Silang nauuhaw sa Iyong paglingap at hanap Kang masikap
Pinili ang kababaang loob upang maramdaman Kang ganap
Silang nagagalak sa pagsunod kaakibat man ang pagsubok
Sa kanila ka sumasama at kaalakbay sa tuwi-tuwina.
Sa patuloy pang paghakbang huwag na huwag Mong iiwan
Huwag at di kailanman magtiwala sa sariling karunungan
Mabuti pang panatagin sa pagsunod at simpleng kalagayan
Kaysa itulad sa haring marunong at ang wakas ay kapahamakan.
Mamukadkad nawa ang pinasibol Mong damdamin
Upang patuloy na maramdaman ang hinaing nila't hibik
Turuan mong unawain ang bawat luha nila't galak
Upang sa gayo'y mabuklod kami sa pag-ibig Mong wagas.
(Thanking Him for guiding me throughout the tests)
09-10-11 @ Pag-asa
seal 09-12-11 15:23
No comments:
Post a Comment