Pinili ang isa na tila mas mainam.
Daang maluwang pinili ng karamihan
Ayaw sa mabato, ayaw maputikan.
Mahirap ang paglalakbay sa makipot na landas
Maingat ang paghakbang nang hindi madupilas
Sa maluwag na landas magaan ang pagtahak
Walang unos, walang hirap, patag at maaliwalas.
Sa dalawang landas na ito sa sarili ko'y nagmuni
Inisip na mabuti ang nasaksihang pagpili
Daang makipot kaakibat ang pasakit
Daang maluwang ay karimlang pusikit.
Sa mapusok na pagpili alam na ang kasagutan.
Sa pasiyang pinag-aralan, pagbusisi ang kailangan.
Sa dalawang daan na ito, saan ang hantungan?
Pagpili ko ba'y tiyak na di ko pagsisisihan?
Bakit pipiliin ang makipot at batuhan
kung may daang maluwang at purong kapatagan?
Bakit pipiliin ang mahirap kung may
mas madaling kaparaanan?
Bakit napakadali ng pagpili ng karamihan?
Ang laging batayan ay panlabas na kaanyuan.
Ang laging batayan ay panlabas na kaanyuan.
Sa daang maluwang mga pumasok ay karaniwan
Subalit sa makipot ay ilang may dunong lamang.
Mga pumasok sa makipot ay tila handa sa labanan
Mga pumasok sa maluwang ay walang kahandaan.
Anong aking pipiliin, saan ako hahakbang?
Sa mundo'y dapat tiyak pagka't buhay ay isa lamang.
Batas ng umiiral simula nang itatag ang sanlibutan
Ang mabuti at balintuna ay siyang pagpipilian.
Kaya sa dalawang daang ito ay may tiyak na hantungan;
Kaligtasan kaya?, O pihong kapahamakan?
Sa aking pagpili, takot ang naramdaman.
Subalit may mga bagay na dapat maunawaan
Sa unang daan,pamaram sa takot ay kahandaan
Subalit sa huli,panlaban sa walang takot ay di ko alam.
Sa daang makipot inaasahan ay unos
Sa daang maluwang balat-kayo ay lipos.
Unti-unti ay aking naunawaan.
Ah! Alam ko na ang kasagutan!
Ang mundo'y di nananatili sa iisang kalagayan...
Kaya naman tiyak na ako sa aking paghakbang!
Kaya naman tiyak na ako sa aking paghakbang!
Tiyak na ako ngayon sa pipiliin kong daan.

No comments:
Post a Comment