Tuesday, May 10

HALAGA NG BAWAT DOLYAR


Sa mga pangarap na nais matupad
Mga hinaing na nais matugunan
Sa mga kasuotan na kanilang hangad
Mga umang na palad na nais mapunan

Hindi titigil ang pagal na kamay
Bahay ng dayuhan ay pagsisilbihan
Hindi palalampasin ang bawat uhay
Bawat segundo oo kinakatasan.

Kung sa bawat piga nitong basahan
Dulot naman sa pamilya ay kaginhawaan
Kung sa bawat bigat ng dalahing pasan
Dulot nama'y ngiti sa iyong tahanan.

Sa bawat pamamahiya ng mga dayuhan
Sa bawat sigaw na pinagtitiisan
Sa bawat pag-aglahi sa pagkamamamayan
Sa bawat dahas na pinagtatakpan.

Oo balewala ang bawat patak ng luha
Kung ikukumpara sa ligaya ng pamilya
Oo balewala ang unos sa bawat umaga
Kung kapalit ay 'salamat' ni amat ina.

Pag-iinarte sa malayong lupa ay wala
Buhayin ang sarili sa iyong pag-iisa
Pagaanin ang lungkot ibalik ang gana
Bumangong mag-isa't tumayo sa sariling paa.

Sa pansariling nais tikom ang palad
Hindi magsasayang ipadadala na lamang
Sa pagkaing isusubo pigil ang palad
Haplit ng isipan anong ulam ng magulang?

Sino? Sinong tutumbas kanilang pagpapagal?
Kanilang kadakilaan mayroon bang isusumbat?
Sino? Sinong pumupunas kapag luha'y bumukal?
Kanilang damdamin ramdam mo ba ang bigat?

Subalit kadalasan ito ay di nakikita
Lungkot ay ikinubli sa likod ng pagngiti
Sa kanilang pag-uwi walang nakahalata
Latay at pasa sa braso nila at binti.


(tribute to our friends abroad)
iniwang bakas ng balagtasan dos
-Noel "seal " Manzano 05-06-11





No comments: